Mga Batang Maghahagdao
Original na panulat ni G. Cy Soriano
Maghagadao ang tawag sa pamumulot ng mga tira-tirang palay na na-iiwan ng makina o ng harvester. Tila pakikipag patintero naman ito sa pagitan ng mga paslit at ng mga ibon na parehong nagugutom. Habang namumulot ang mga batang maghahagdao ay kasabay rin nitong nakikipag unahan ang mga ibon sa himpapawid. Tinitilok ang bawat tangkay na may natitirang butil upang sa lamesa ay may maihahain na puting kanin. Anila, kung papalarin pa nga daw na marami-rami ang makokolektang palay ay ibibilad nila ito sa araw at ipagigiling sa mga suki nilang pagilingan; kung suswertehin na nasa mabuting kondisyon ang nagmamay-ari ay makukuha nilang libre ang bigas. Dagdag pa nila, hindi ito maituturing na pagnanakaw bagkus ito raw ay isang pagpapahalaga sa bawat butil na biyaya —ang hindi pag-aaksaya.
Kung sakali raw na mapupuno nila ang isang sako, ang ibang parte ay pang kunsumo ng kanilang pamilya sa hapag kainan at ang kalahating parte naman ay ipagbibili sa kapwa nila “pobre" upang ang salaping malilikom ay ibibili ng tuyo bilang ulam. Maliit lamang ito na halaga para sa karamihan na may kaya ngunit sa mga katulad nila, buong buhay nila itong pangkabuhayan.
Sa mga oras na iyan, at sa mga sandaling pakikipag panayam ko sa kanila ay bigla kong naalala ang isang post sa social media at ang nakasulat roon kung hindi ako nagkakamali ay ganito: “Ang sinayang ng sutil, sa iba ay gintong butil." Tumahimik ang aking pandinig at biglang nagbalik tanaw sa akin ang mga pagkain na nasasayang ko sa mga restaurant na nakakainan ko, sa mga carinderia, at maging sa loob ng aming bahay. Nagulintang ang buo kong katawan sapagkat isa akong sutil na hindi nagpapahalaga sa bawat biyaya — ang bawat butil ng palay na magiging bigas at papasok sa ating katawan bilang kanin.
Isa akong alipugha sapagkat hindi ko pinahahalagahan ang sakripisyo ng mga bayani nating magsasaka. Naninibugho ako sapagkat ang bawat tagaktak ng dugo't pawis ng aking magsasakang lolo sa pag aani ay hindi ko inalintana.
Sampal sa aking mukha ang pagkakasaksi sa mga batang maagang nagbabanat ng buto upang may maipantapal sa kumakalam na sikmura. Kahihiyan lamang ang tanging namutawi sa aking isipan sapagkat isa akong sutil.
Ngunit alam ko. Hindi pa huli ang lahat. Kagaya ko na gusto ng pagbabago, sana ay ganoon rin kayo. Nawa'y maging daan itong sulat ko upang mamulat kayo.
Kung sa ka-maynilaan may magpapagpag, rito naman at sa kahit saang bukirin ay may tinatawag na Maghahagdao.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento